Bigating Hollywood stars, laglag sa Oscar 2018 nominees



Matapos ihayag ang mga nominado para sa prestihiyosong 90th Academy Awards o popular sa tawag na Oscars nitong Enero 24, hindi maiwasang pag-usapan ang mga artista o pelikula na hindi nakasama sa mga listahan ng mga nominado para sa taong ito.

Nangunguna na rito si James Franco na hinuhulaan ng lahat ng movie critics na makakasama sa Best Actor category para sa pelikulang "The Disaster Artist." Nguni't shock ang marami ng hindi nabanggit ang pangalan ni Franco sa listahan.

                                                                 'The Disaster Artist'

Ayon sa ibang critics, mukhang hindi nakabuti kay Franco ang pagkakadawit nya sa limang sex sandal case na kinasasangkutan nya. Pero ito naman ay mariing itinanggi ng aktor.

Kamakailan lang ay nagwagi si Franco bilang Best Actor In A Comedy sa katatapos lang na Golden Globe.

Deadma rin ang mga taga Oscars kay Tom Hanks para sa pelikulang "The Post" sa Best Actor category at Steven Spielberg bilang Best Director para rin sa nasabing pelikula. Naging nominado naman si Meryl Streep para sa Best Actress para sa naturang pelikula.

                                                                          'The Post'
Ayon sa Hollywood, mukhang nagiging pattern na ng Oscars kay Spielberg na mapasama ang kanyang mga pelikula sa Best Picture pero hindi sya nakakasali sa Best Director. Ang "The Post," "War Horse," at "Bridge of Spies" ay nominadong lahat sa Best Picture pero laglag naman sya sa Best Director.

Bagama't malakas ang pelikulang "Three Billboards in Ebbing, Missouri" sa Oscars, bigo ang director nitong si Martin MacDonagh na ma-nominate sa Best Director kahit na nanalo na s'ya sa Golden Globe at naging nominado rin sa Directors Guild.

Nguni't ang nakakamangha ay ang hindi pagka-nominado ng blockbuster na pelikulang "Wonder Woman" sa kahit ano mang kategorya.

                                                                  'Wonder Woman'
Hindi na umaasa pa ang mga tao sa likod ng "Wonder Woman" na manonominado pa sila sa mga major categories. Pero natulala sila nang hindi man lang sila nakasama sa kahit na anong technical category.

Wala rin sa mga listahan ng nominees ng Best Supporting Actor si Armie Hammer para sa pelikulang "Call Me By Your Name" kung saan ang kanyang role ay isang graduate student na na-in-love sa bading na bagets pati na rin si Holly Hunter bilang Best Supporting Actress para naman sa rom-com na "The Big Sick."

May mga sorpresa rin sa listahan ng mga nominado sa Oscars ngayong taon. Tulad na lamang ni Rachel Morrison bilang kauna-unahang babae na nominado sa cinematography para sa pelikulang "Mudbound."

                                                                'The Shape of Water'
Nariyan din si Jordan Peele na kauna-unahang black director na sabay-sabay na nominado bilang Best Director, Best Screenplay at Best Picture para sa pelikulang "Get Out."

Ang pelikulang "The Shape of Water" ay humakot ng 13 nominations sa Oscar Awards, pinakamarami ngayong taon.

Ang 90th Oscar Awards ay gaganapin sa Dolby Theater sa Hollywood, California sa March 4 (March 5 ng umaga sa Pilipinas). - ROBERT REQUINTINA





Comments

Popular posts from this blog

The Philippines' handsomest security guards

Diego Loyzaga on viral nude video: 'It was an accident'

Piolo Pascual on Shaina Magdayao: 'We are really open'