Fans ng Aegis, madalas nagwawala sa concert?
Inamin ng grupong Aegis na may mga panahon na nililimitahan na nila ang kanilang mga shows dahil madalas nagwawala ang kanilang fans sa mga concert nila.
"Pag kinakanta na namin yung mga Tagalog songs, nagwawala na sila," ayon kay Juliet Sunot, isa sa mga miyembro ng Aegis, sa interview sa "Tonight With Boy Abunda" sa ABS CBN.
Dagdag pa ni Juliet: "Sa sobrang enjoy nila, nagbabato sila ng tissue (sa stage). Ang nangyari, hindi na kami pinakanta ng may-ari ng mga original (songs) namin. Mga cover songs lang."
Sinabi rin nila na dahil sa mga pangyayaring ito, ang tatlong araw na gig nila ay nagiging isang araw na lamang.
Umabot ng dalawang dekada bago nagkaroon ang grupo ng concert sa unang pagkakataon sa Smart Araneta Coliseum. Ito ay pinamagatang “AEGIS 2OBLE DEKADA Ang Soundtrack Ng Buhay Mo - The Aegis 20th Anniversary Concert” sa July 13.
Sinabi rin ng Aegis na nasasaktan sila kapag tinatawag na baduy or makaluma ang kanilang grupo. Ilan sa kanilang mga pinasikat na awitin ay "Luha," Basang-Basa sa Ulan," "Halik," Sayang Na Sayang," atbp.
“Naiintidihan namin sila kasi iba’t-iba ang pagtanggap ng mga tao sa amin. Pero minsan nasasaktan kami. Hindi naman natin ma pi-please lahat ng tao. Ang mahalaga ay mapasaya namin sila,” ayon kay Mercy Sunot.
Tatlo sa miyembro ng Aegis ay nagkakapatid na babae - sila Juliet, Kris at Mercy.
Para sa tatlo, ang pinakamagaling kumanta ay si Juliet. “Mark na niya yan. Mataas na husky.”
Pero ayon sa tatlong magkakapatid, nagpatawa silang nagsabi na husky na ang boses nila nang ipinanganak sila.
Isa sa paghahanda na ginagawa ng grupo bago kumanta ay ang pag-iwas na uminom o kumain ng malalamig.
”Bawal po ang malamig. Hot water lang before sumalang,” ayon kay Juliet. May team work pa rin ang grupo kahit na minsan ay mag mga differences sila.
“Pag nakakalimutan namin ang lyrics, pinagtatawanan lang namin. At pag pumipiyok, saluhan lang kami,” dagdag ng isang miyembro.
Nang tanunging kung bakit ngayon lang sila nag-concert sa Smart Araneta Coliseum, sabi ni Rowena Pinpin: “Naghihintay lang kami ng may magtitiwala sa amin.”
Ayon kay Stella Pabico, miyembro ng grupo, may mga bagong kanta silang aawitin sa kanilang concert.
“Meron kaming mga covers aside from the original compositions. Meron din kaming mga bagong kanta sa bagong album namin na ipapasok. Meron din kaming mga special guests,” aniya.
Ilan sa kanilang mga guests ayon kay Vilma Goloviogo, isa pang miyembro ng grupo, ay sina Regine Velasquez, Anne Curtis, Jett Pangan, Katla Estrada, Jericho Rosales, TnT Boys at Vice Ganda. - ROBERT REQUINTINA
Comments